Home | Profile | City Hall | Services | Projects | News & Gallery Events | CDS | ASB | Contact Us | Guestbook
Details
MVB: Sa Barangay na Sama-sama, Lungsod ay Sasagana..



“ Ang masiglang partisipasyon ng mga barangay at iba’t-ibang sektor ang tunay na maghahatid ng pag-unlad at kasaganaan sa Lungsod ng San Jose”, ito ang ubod ng pananalita ni Mayor Marivic Belena sa harap ng mga kawani, opisyales ng barangay, guro at estudyante, manggagawang pangkalusugan, kapulisan at mga panauhin, sa pagsasara ng 4-araw na pagdiriwang ng ika-39 Anibersaryo ng Lungsod ng San Jose nitong Agosto 11.

Si Mayor Marivic o MVB kung tawagin sa munisipyo ng San Jose ang pinaka-unang babaeng Alkalde sa kasaysayan ng lungsod.

Kaiba sa nakaugalian ng mga punong lungsod, hindi ang tradisyunal na ‘‘Ulat sa Bayan’’ ang tinalakay ni MVB matapos ang unang taon ng panunungkulan, sapagkat aniya ay ‘‘ mahirap magsalita ng mahaba sa mga nakatayo’’ patungkol sa ____ guro, kawani, opisyales ng mga barangay, health workers, mag-aaral at iba pang mamamayang nakibahagi sa huling araw ng pagdiriwang, bagkus ay itinuon ang kanyang mensahe sa panimulang tagumpay ng kanyang pamamahala na palahukin ang mas maraming mamamayan ng San Jose sa mga gawaing pangkaularan. Pinuri niya ang pakikiisa ng lahat sa Tree Planting noong Agosto 9, kung saan libo-libong mga taga San Jose ang umakyat sa bundok at nagtanim.

‘‘Ako’y gulat na gulat at tuwang-tuwa sa nakita kong dami ng taong dumating na humigit pa sa bilang ng mga punong inihanda para itanim”, aniya. Mahigit anim na libong seedlings ang naitanim nang araw na iyon sa apat na lugar sa mga bulubunduking bahagi ng lungsod at nilahukan ito ng mga kawani ng lokal na pamahalaan,mga estudyante, guro, lokal na opisyal sa mga Barangay at mga taong baryo mismo. Pinasalamatan din niya ang bawat isang nag-bigay ng kanilang pagsisikap upang maidaos ang iba’t-ibang aktibidad sa 4 na araw na pagdiriwang ng Anibersaryo ng San Jose.

Tinukoy ni Mayor Marivic ang “participatory governance” na naging gabay niya mula nang siya ay maupo bilang Punong Lungsod. Aniya, kung mapapalahok ang mamamayan sa mga gawaing pangkaularan, mas epektibong mahaharap ang suliranin sa kahirapan, edukasyon, kalusugan at kalikasan. Ang masiglang paglahok ng mga Barangay at pribadong sektor sa mga programa ng pamahalaan ay nagbibigay-sigla aniya sa araw-araw na pagganap niya ng kanyang mga tungkulin.

Pinuri at pinasalamatan din ni Mayor Marivic ang lahat ng nakibahagi sa mga gawaing nailunsad sa nakaraan. Ayon sa punong ehekutibo, ang ambag ng bawat isa, gaano man kaliit ay binibigyang-halaga. Sa huli, hinamon niya ang mga taga-San Jose na magsama-sama, makisangkot at magsakripisyo para maisulong ang pagpapabuti ng kabuhayan, kalusugan at edukasyon sa ating lungsod nang may sapat na pagsasaalang-alang sa kalikasan.

Ang inspirasyon na nag-uumapaw sa damdamin niya, ay nagawa niyang itagos sa mga nakikinig sa simpleng lenggwahe. At para sa bawat matamang nakinig sa maikli, simple at tila “ate” niyang pananalita, matatantong ang pinakaunang babaeng Alkalde ng San Jose, na tinawaran ng marami noong una sa kanyang pagiging “hindi pulitiko”, ay isang matatag na PunongLungsod, ang kanyang administrasyon ay may sariling pananaw sa pag-unlad, at higit sa lahat, nagpapahalaga sa kakayahan ng bawat ordinaryong mamamayan.


| Share |

 


Maharlika Hi-way, San Jose City
Nueva Ecija, Philippines
email: info@sanjosecity-ne.gov.ph