Home | Profile | City Hall | Services | Projects | News & Gallery Events | CDS | ASB | Contact Us | Guestbook
Details
Mga guro ng San Jose, sinanay ng ATENEO



May 386 guro mula sa iba’t-ibang paaralang elementarya ng San Jose ang sumailalim sa pagsasanay sa pagtuturo ng English nitong Hulyo, sa pagtataguyod ng mga batikang tagapagsanay mula sa Ateneo Center for Educational Development o ACED, isang departamento sa Ateneo de Manila University.

Sa pamamagitan ng “workshop” na ginanap sa Constancio Padilla National High School, ipinakilala ng mga taga-Ateneo ang mga mahahalagang estratehiya ng pagtuturo. Ang unang pagsasanay ay naging patungkol sa pagtuturo ng English sa iba’t –ibang grade level (mula Grade I hanggang Grade VI). Mahigit limampung set ng English Lesson Guides ang ipinamahagi ng ACED sa mga gurong dumalo mula sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Ang ikalawang pagsasanay naman ay sumentro sa kung paano mas madaling matuturuan ang mga batang mag-aaral sa Pre-elem at Grade I sa mahusay na pagbasa. Hindi madali at sadyang malaking hamon sa isang guro ang pagtuturo sa mga musmos na bata, lalo na ng kasanayang magbasa ng Ingles, kung kaya malaking tulong ang mga workshop na pinadaloy ng Ateneo. Gamit ang mga aklat na “Guide in Helping Children Read I and II” at “Ready, Get Set, Read Big Book”, naturuan ang may 119 guro na pawang humahawak ng mga mag-aaral sa Grade I at Pre-elem ng mga simple subalit epektibong pamamaraan na ang layunin ay mabilis na pagkatuto ng mga bata sa panimulang pagbasa at ihanda sila sa mas kumplikadong mga aralin habang sila ay lumalaki. Ang lahat ng lesson guides ay ipinamahagi ng libre sa mga dumalong guro.

Suportado ng Ateneo de Manila University ang programa sa edukasyon ni Mayor Marivic V. Belena na nagdesisyong magbigay ng prayoridad sa sektor ng edukasyon mula nang ito’y umupo bilang Punong Lungsod ng San Jose. Sa programa niya, nais tugunan ang kakulangan ng kasanayan ng mga guro sa pamamagitan ng pagdadaos ng mga training dito na mismo sa loob ng lungsod. Karaniwan nang problema ng kaguruan ang panggastos kapag dumadalo sa mga pagsasanay o seminar ng Department of Education na kadalasang ginaganap sa labas ng lungsod.

Bukod sa mga pagsasanay, namahagi rin ng mga workbook sa mga mag-aaral sa Pre-elem at Grade I. Iniabot ng Punong Lungsod ang mahigit apat na libong workbook sa mga principal ng San Jose City West at East District noong Hulyo 14, 2008 kung saan may 4,000 magulang ang sumaksi sa PAG-ASA Gym. Nagkaroon pa ng libreng gupit, konsulta sa doktor, blood typing at blood sugar examination para sa lahat ng dumalo.

| Share |

 


Maharlika Hi-way, San Jose City
Nueva Ecija, Philippines
email: info@sanjosecity-ne.gov.ph